PAGTINGIN

Photo credit to animationoptions.com
Nakatingin mula sa kalayuan. Sapat para makita.       
Tama lang para matanaw ng malaya.
Ngumingiti. Natatawa. Masaya mula sa distansiya.

Inaalala lahat ng pinag-usapan habang nakatingin.
Naalala mo rin kaya? May espasyo ba sa isip para sa akin?
Sana naman, pagkat ikaw sa akin ay di nawawaglit.

Ganito lang lagi. Ganito lang dapat.
Kahit paulit-ulit manatili ka lang laging natatanaw.
Sana ako naman ay maalala.

Hindi man nakikita pero maramdaman man lang sana.
Ako lang ba talaga o hindi lang gustong pagusapan?
Siguro nga hindi dapat dahil kaibigan nga lang pala.

Isang araw sasawaan din. Titigil din marahil
Dahil walang katugon. Dahil hindi naman dapat.
Dahil hindi naman tama.


Salamat kaibigan sa ngiting hatid.
Hindi mo man batid ako ay maligaya.
Hindi man masabi ako ay nagpagpapasalamat.

Pasensiya na dahil hindi ito sadya.
Hindi inaasahan. Wala sa plano 
Kusa lang nangyari.

Dahil hindi mo gugustuhin.
Dahil hindi mo na nanaisin.
Pangako mananatili lamang sayo ay nakamasid.

Hanggang sa isang araw ito ay kusang huminto.
Hanggang isang araw ito ay kusang sumuko.
Hanggang sa paningin ay kusang lumabo.